ni Sch. Weng Bava, SJAlas nuebe ng gabi nang simulang gumapang
Ang mga kaluluwang pagal sa maghapong
Pagpipigil-patay, sa mga nitsong sako at karton
At sa kung saan-saang sulok na hindi basa
Inilatag ang mga katawang nanlilimahid sa siphayo
Habang ang ila’y kuntentong nakabaluktot sa loob
Ng peryodikong may pabatid ng bagong kabubukas
Na kondominyum, ang mga paslit ay pawang anghel
Sa pagkakahimlay at ‘di pansin ang papatinding lamig
Sa plazang itinayo para kay Meyor Arsenio Lacson
Sa bandang pedestal nang yumaong alkalde ng Maynila
Maaninag ang isang dalagitang durog sa kasisinghot
Sa supot ng rugby, nangungulit ng pera sa isang mamang
Maganda ang bihis at panay ang lamas sa suso ng bangag
‘Di alintana ang mga matang nagmamasid at ‘di nakakakita
Doon sa may malahiganteng paso ikinabit ng aling patpatin
Ang pansamantalang kulambong tumatakip sa kasisilang
Na sanggol samantalang ang asawa’y nakatayong nagpaparaos
Ng tinunggang alak sa kalawanging bakod at saka nagmumura
At nagbabantang papatayin ang kalaguyo ng may TB’ng asawa
Sa ilalim ng nakabubulag na liwanag ng isang lampara
Tahimik na nagbubuklat ng aklat abugasya ang isang mataba
At bata pang estudyante samantalang sa harap niya ay
Masugid na sinusuma ng matandang lalaking abuhin ang ulo
Ang mapapalad (at tatamang tiyak!) na mga numero sa lotto
May mga lalake’t babaeng magkalingkis ang mga paa
Mga magsing-irog na inabutan ng libog at dilim at kapos
Din naman sa salapi at hiya ay doon na magpapalipas ng gabi
Malawak, maluwag ang Plaza Lacson at walang ipinagbabawal
‘Di gaya ng mga sementeryong pang mayaman